Pagtaas at Pagahon: Mga pamilya sa ilalim ng tulay ng Tullahan
by Jansen Romero
Parang isang malaking nagkabuhol-buhol na ahas na nakahimlay sa isang malaking ilog ang ilalim ng Tullahan bridge--hindi naabala at tila nasanay na sa taon-taong pag taas ng tubig. Mahigit na 400 na pamilya ang kumukubli sa ilalim ng tulay na may buhol-buhol at maliliit na eskenita.
Sa kabila ng panganib na dala ng biglaang pag taas ng tubig, pinipili padin ng iba ang mag paiwan sa nasabing tulay. Tila sanay na ang mga naninirahan dito sa kanilang dapat gawin tuwing mag papakawala ng tubig ang La Mesa Dam na dumadaan sa Tullahan river.
Ang mga tirahan sa ilalim ng tulay ng Tullahan ay kabilang sa 8 na pangunahing daanan ng tubig sa Metro Manila. Ang mga bahay na naka tayo sa gilid ng mga nasabing ilog ay kinukunsiderang "Danger Zones" at dapat hindi pinapamahayan ng mga tao.
Noong 2012, nilamon ng buong ilog ang lugar na ito at halos binura ang 3,000 kabahayan kaya naman hindi parin maiwasan ng ilan ang matakot tuwing mag tataas ng Public Signal ang PAG-ASA at mag papakawala ng tubig ang dam. Kasama sa kinain ng ilog ang ilang bahay, kagamitan, ganun din ang ilang mga nakatira dito. Kaya tuwing uulan ng malakas kanilang inilalagay ang kanilang gamit sa matataas na lugar upang makaiwas sa sakuna.